10

Hello sa lahat! Ako si Luna, ang inyong EN > TL Specialist. Welcome sa isa na namang artikulo sa forum na ito. Kung hindi nyo pa nabasa ang nakaraang artikulo, mangyaring mag-click dito para sa direktang access.

 

Pahintulutan ninyo akong bigyang pansin ang mga kamalian na nakita ko sa produksyon natin sa nakaraang buwan. Ang intensyon dito ay ang matuto mula sa mga bagay na ito upang mabawasan natin ang mga pagkakamali sa hinaharap.

 

Ang paggamit ng mga salitang hindi pormal

 

Mahalagang sundin at gawing consistent ang tono ng mga salita sa mga dokumentong ginagawa natin. Karaniwang ipinapahayag ito nang tahasan ng mga kliyente sa simula pa lang o ibinibigay sa kanilang mga pangsangguniang materyales na nagsisilbing gabay natin. Kadalasan ang tono ng mga dokumento ay pormal, lalo na kung kaugnay ito sa mga dokumentong medikal o may kinalaman sa batas.  Sa ibang pagkakataon naman hinihingi ng mga kliyente na gawing hindi pormal ang tono, na nangyayari kung, halimbawa, ang pagsasalin ay para sa isang online app o kaugnay ng isang online na laro. Gayunpaman, ang hindi pormal na tono ay hindi nangangahulugang slang. Ibig sabihin lamang nito ay dapat mas magaan ang pagtanggap ng mga bumabasa sa mga salita, mas nakaka-relate sila, at ang bokabularyo ay mas karaniwang ginagamit ng mga tao sa halip na malalalim na mga salita. Ang mga street linggo o mga ekspresyong masyadong impormal para sa pagsusulat ay dapat pa rin iwasan.

 

Halimbawa 1:

 

EN: Please contact us for any concern, except matters not related to our department.

TL: Mangyaring makipag-ugnayan sa amin para sa anumang alalahanin, pwera nalang sa mga bagay na walang kaugnayan sa aming departamento.

TL revised: Mangyaring makipag-ugnayan sa amin para sa anumang alalahanin, maliban nalang sa mga bagay na walang kaugnayan sa aming departamento.

 

Halimbawa 2

 

EN: Your child will experience flu-like symptoms.

TL: Ang iyong anak ay makakaranas ng mala-trangkaso na mga sintomas.

TL revised: Ang iyong anak ay makakaranas ng mga sintomas na katulad ng isang trangkaso.

 

Mga salitang hindi naisalin

 

Ito ay lumalabas halos sa bawat buwan, na ang ilang mga salita ay iniiwang hindi nakasalin. Gusto kong ulitin na dapat nating isalin ang lahat, hangga't maaari, maliban sa ilang pagbubukod.

 

Ang isang dahilan kung bakit dapat nating iwanan ang mga salita sa Ingles ay kung ang kliyente ay may mga partikular na tagubilin na huwag isalin ang mga salitang ito (mga salitang tulad ng mga pangalan ng produkto, mga terminolohiyang pangkumpanya, atbp). Ang isa pang dahilan ay kapag ang ilang mga salita ay mas karaniwang ginagamit sa Ingles at ang pagsasalin ng mga ito ay magiging mas nakakalito sa mambabasa. Nagsulat ako tungkol dito sa isang nakaraang artikulo, mangyaring mag-click dito upang basahin ito.

 

Bagama't ang Ingles ay malawak na sinasalita sa mga Pilipino, hindi ito dapat maging dahilan upang hindi isalin ang maraming bagay. Kung tutuusin, ang mga pagsasalin ay ginagawa hindi para sa kapakinabangan ng mga taong mahusay sa Ingles, ngunit sa halip, para sa mga taong hindi komportable sa lengguwaheng ito.

 

Mga nawawalang bantas

 

Bilang wakas, may ilang mga bagay na sa sobrang dali ay nakakalimutan nating gawin sa huli. Dahil sa napakadali ng mga ito, hindi natin sila masyadong binibigyang pansin at/o inilalagay natin sa pinakahuli ng ating mga priyoridad at ang nagyayari ay nakakalimutan tuloy natin sila. Ganito ang kaso ng mga bantas or punctuation marks. Patuloy akong nakakakita ng mga nawawalang bantas, at naniniwala ako na ang mga ito ay mga simpleng kaso ng mga pagkalingat lamang. O baka naman, nagkulang ng oras at sa huli ay nagsumite ng trabaho nang walang sapat na pagsusuri. Sa anumang kaso, mangyaring maglaan ng ilang oras para sa pagsusuri. Mangyaring samantalahin ang mga magagamit na tampok para sa pagsuri ng mga hindi pagkakapare-pareho ng target kumpara sa mga orihinal na materyal. Maaaring ito ay isang maliit na bagay lamang, ngunit anumang liit at simple, kung hindi natin ito magagawa nang tama ay magiging mali pa rin ang ating trabaho sa kabuuan.

 

Hanggang dito nalang muna para sa araw na ito. Umaasa akong muli na kapaki-pakinabang ang artikulong ito para sa inyong trabaho. Huwag mag-atubiling mag-iwan sa akin ng anumang komento o mungkahi. Ingat kayo at makita-kita tayo sa susunod na artikulo! Bye!

0 comments

Please sign in to leave a comment.