Kumusta kayo? Maligayang pagdating sa isa na namang artikulo sa forum na ito. Ako ulit si Luna, ang inyong EN>TL Language Specialist. Kung hindi nyo pa nagagawa, mangyaring basahin ang ating huling artikulo sa link na ito at pagkatapos ay i-enjoy ang inyong oras sa pahinang ito.
Bago ako magpatuloy, gusto kong pasalamatan ang ating mahal na mga tagasalin para sa inyong patuloy na suporta at pagsusumikap sa pagtiyak na naghahatid tayo ng mahusay na output sa ating mga kliyente. Ang buwan ng Hulyo ay medyo tahimik, hindi gaanong abala sa trabaho marahil dahil buwan ito ng bakasyon ng karamihan sa mga tao. Gayunpaman, gusto kong ibahagi sa inyo ang ilang mga bagay na nakita ko sa mga proyekto natin sa Hulyo na sana ay mapagkukunan natin ng kaalaman, nang sa gayun ay mas lalo pa tayong makagawa ng dekalidad na trabaho sa mga proyekto natin sa hinaharap.
Mga salitang hindi naisalin
Sa ilang mga proyekto sa nakaraang buwan, may mga EN na salita na hindi naisalin sa TL. Maaaring hindi ito sinadya at talagang nakaligtaan lang, o marahil rin ay sadyang iniwan sa EN ang mga salitang ito. Sumasang-ayon ako na minsan ay kailangan nating iwanan sa EN ang ilang mga salita, ngunit karaniwan itong ginagawa para sa mahihirap na teknikal na salita kung saan walang pagsasalin sa TL ang magagamit, kagaya ng mga terminong medikal, o di kaya, kung ang pagsasalin nang buo sa TL ay magiging mas magulo lamang para sa mambabasa sa halip na maunawaan nila ang binabasa nila. Gayunpaman, pakitandaan na ang ating unang intensyon ay ang pagsasalin sa abot ng ating makakaya, at palagi tayong magbibigay ng mga pagsasalin sa paraang madaling maintindihan ng mga mambabasa at natural na dumadaloy ang mga pangugusap sa wikang Tagalog.
Narito ang ilang mga halimbawa na nagpapakita kung kailan dapat isalin sa TL at kung kailan dapat iwanan sa EN ang ilang mga salita:
Halimbawa 1
EN: You will be informed of the different events in Part 1 and Part 2 of the trial.
TL: Ipapaalam sa iyo ang iba’t ibang kaganapan sa Part 1 at Part 2 ng pagsubok.
TL binago: Ipapaalam sa iyo ang iba’t ibang kaganapan sa Bahagi 1 at Bahagi 2 ng pagsubok.
Halimbawa 2
EN: Please read the instructions below on how to set up the Screen Capture in your device.
TL: Mangyaring basahin ang mga tagubilin sa ibaba tungkol sa pag-set up ng Paghuli ng Tabing sa iyong device.
TL binago: Mangyaring basahin ang mga tagubilin sa ibaba tungkol sa pag-set up ng Screen Capture sa iyong aparato.
Paggamit ng "Ng" vs "Na"
Paminsan-minsan, nakikita ko pa rin ang ilang pagkalito sa paggamit ng "ng" at "na". Kaugnay dito, may naisulat akong artikulo ilang buwan na ang nakalipas tungkol sa paksang ito. Maaari ninyong basahin ang higit pa tungkol dito upang papanariwain ang inyong memorya. Napakahalaga na makuha natin ito nang tama lalo na't dahil nasa negosyo tayo ng nakasulat na mga pagsasalin, dahil nakakaapekto ito sa proseso ng komunikasyon kung gagamit tayo ng "ng" sa halip na "na", at dahil ang tunay na kahulugan ay maaaring magbago nang lubusan sa anumang pagkakamali sa aspetong ito.
Narito ang ilang mga halimbawa upang higit pang mailarawan ang bagay na ito:
Halimbawa 1
EN: Open Answers:
TL: Bukas ng Tugon:
TL binago: Bukas na Tugon:
Halimbawa 2
EN: You should have the following items:
TL: Dapat ay mayroon kang mga sumusunod na gamit:
TL binago: Dapat ay mayroon ka ng mga sumusunod na gamit:
Pagiging consistent sa mga panghalip
Mangyaring pagtuonan ng pansin ang uri ng mga panghalip na ginagamit sa dokumento. Sa karamihan ng mga kaso, kapag walang tiyak na mga tagubilin mula sa kliyente, karaniwang ginagamit ang pangalawang panauhan na pangmaramihang panghalip (ibig sabihin, inyo, ninyo, kayo). Kung hindi, unawaing mabuti ang layunin ng mismong dokumento para masuri kung mas angkop gamitin ang pangalawang panauhan na isahang panghalip (ibig sabihin, iyo, inyo, ikaw). Higit pa rito, kapag naitatag na ang mga tamang panghalip na gagamitin, mangyaring tiyakin ang pagiging consistent ng paggamit nito sa kabuuan ng dokumento. Mahalaga ito dahil gagamit lang ng salitang “you” ang Ingles na pingamulang dokumento sa alinmang kaso, ngunit may dalawang posibilidad sa pagsasalin sa Tagalog, alinman sa isahan o pangmaramihan na paksa.
Narito ang higit pang mga halimbawa tungkol dito:
Halimbawa 1
T: What languages do you use at home? Do you speak in Spanish too?
TL: Anong mga wika ang inyong ginagamit sa bahay? Nagsasalita ka din ba sa wikang Kastila?
TL binago: Anong mga wika ang inyong ginagamit sa bahay? Nagsasalita din ba kayo sa wikang Kastila?
Halimbawa 2
EN: For parents, please provide your child’s student number.
TL: Para sa mga magulang, pakibigay ang student number ng iyong anak.
TL binago: Para sa mga magulang, pakibigay ang student number ng inyong anak.
Hanggang dito nalang muna sa ngayon. Muli, umaasa akong may pakinabang ang artikulong ito sa inyo. Kung mayroon kayong mga komento o mungkahi, huwag mag-atubiling ibahagi ito. Masisiyahan akong makarinig mula sa inyo. Magkita-kita tayo sa susunod na buwan. Naway manatili kayong ligtas at masaya. Paalam sa ngayon!
0 comments