Kumusta kayo! Umaasa ako na ang lahat ay nasa ligtas at maayos na kalagayan. Welcome sa isa na namang artikulo sa forum na ito. Kung hindi pa kayo nagkaroon ng pagkakataong basahin ang ating huling artikulo, makikita ninyo ito dito.
Ang ating artikulo ngayon ay nauugnay sa huling isinulat ko. Sa huling artikulo, nagsulat ako tungkol sa pagiging consistent o pagkakapare-pareho, kung saan binanggit ko ang kahalagahan ng patuloy na paggamit sa buong dokumento ng parehong mga termino na isinalin. Ngayon, nais kong ipaliwanag ang higit pa tungkol dito.
Hindi ko sapat na maulit kung gaano kahalaga ang pagiging consistent. Hindi lamang ito nakakatulong sa ating mga mambabasa na mas maunawaan kung ano ang kanilang binabasa, ito rin ay nagpapadali sa kanila na maalala ang mahahalagang bagay. Ngunit ang pagiging consistent ay kailangang ilapat sa maraming paraan sa ating mga pagsasaling ginagawa.
Maging consistent sa mga terminong ginamit
Kapag nakapagpasya na tayo sa mga tamang pagsasalin na gagamitin para sa mahahalagang termino sa dokumento, kailangan nating manatili sa pagsasaling iyon sa kabuuan ng dokumento. Ang isang salita ay maaaring mayroong iba't ibang pagsasalin, at ang mga ito ay maaaring magkasingkahulugan o maaaring magamit nang palitan. Kailangan nating pumili ng pinakamahusay sa kanilang lahat at panatilihin ang salitang iyon sa lahat ng oras sa proyekto.
Halimbawa 1:
EN pinagmulan: You will be asked to join the follow-up study after completing the main study. However, you are not obliged to join the follow-up study. The choice is yours.
TL target: Hihilingin kang sumali sa pagsubaybay sa pag-aaral matapos makumpleto ang pangunahing pag-aaral. Gayunpaman, hindi ka obligadong sumali sa follow-up na pag-aaral. Nasa sa'yo ang desisyon.
TL target na binago: Hihilingin kang sumali sa pagsubaybay sa pag-aaral matapos makumpleto ang pangunahing pag-aaral. Gayunpaman, hindi ka obligadong sumali sa pagsubaybay sa pag-aaral. Nasa sa'yo ang desisyon.
Halimbawa 2:
EN pinagmulan: Summer vacation is here! Have fun with your family and friends in our hotel this summer.
TL target: Narito na ang bakasyon sa tag-init! Magsaya kasama ang iyong pamilya at mga kaibigan dito sa aming hotel ngayong summer.
TL target na binago: Narito na ang bakasyon sa tag-init! Magsaya kasama ang iyong pamilya at mga kaibigan dito sa aming hotel ngayong tag-init.
Halimbawa 3:
EN pinagmulan: Looking for a warehouse? Look no further. We can provide for all your warehousing needs at an affordable price.
TL target: Naghahanap ka ba ng bodega? Huwag nang maghanap pa. Maaari naming ibigay ang lahat ng iyong pangangailangang kaugnay sa pag-iimbak sa abot-kayang halaga.
TL target na binago: Naghahanap ka ba ng bodega? Huwag nang maghanap pa. Maaari naming ibigay ang lahat ng iyong pangangailangan na may kaugnayan sa bodega sa abot-kayang halaga.
Maging consistent sa mga panghalip na ginagamit
Napansin ko na ang ilang mga dokumento na nagsisimula sa panghalip na pangalawang panauhan na pang-isahan (ibig sabihin, ikaw, iyo, mo) ay maaaring maghalo ng iba pang panghalip sa bandang gitna o dulo ng dokumento, partikular na ang panghalip na pangalawang panauhan na pangmaramihang (ibig sabihin, kayo, inyo, ninyo). Kailangan nating maunawaan kung para kanino hinahangad ang dokumento. Sa pangkalahatan, kung ito ay isang impormasyong ibinabahagi sa maraming tao nang sabay-sabay, maliwanag na dapat itong gumamit ng panghalip na pangalawang panauhan na pangmaramihang, ngunit kung ito ay isang dokumentong dapat punan (halimbawa, isang form), ito ay pangalawang panauhan na isahan, maliban na lang kung partikular na binanggit na ito ay para sa higit sa isang tao, o para sa ikatlong tao. Kailangan nating gamitin ang ating pinakamahusay na paghuhusga sa bagay na ito at ang anumang mga mapagkukunan na mayroon tayo upang makapagpasya nang mahusay kung aling panghalip ang tama. Kapag natukoy na natin ito, kailangan nating panatiling ang pananaw na iyon hanggang sa matapos ang pagsasalin.
Halimbawa 1:
EN pinagmulan: Welcome to our website. You can search here for all your questions. If you need further information, you can also reach us through our phone number.
TL target: Maligayang pagdating sa aming website. Maaari kang maghanap dito para sa lahat ng iyong mga katanungan. Kung kailangan ninyo ng karagdagang impormasyon, maaari rin ninyo kaming tawagan sa pamamagitan ng aming numero ng telepono.
TL target na binago: Maligayang pagdating sa aming website. Maaari kang maghanap dito para sa lahat ng iyong mga katanungan. Kung kailangan mo ng karagdagang impormasyon, maaari mo rin kaming tawagan sa pamamagitan ng aming numero ng telepono.
Halimbawa 2:
EN pinagmulan: You are invited to participate in this survey. You and your child have have been enrolled in our study for some time now, so your experience so far is of utmost importance to us.
TL target: Iniimbitahan kayong lumahok sa survey na ito. Ikaw at ang iyong anak ay matagal nang nakatala sa aming pag-aaral, kaya ang iyong karanasan sa ngayon ay pinakamahalaga sa amin.
TL target na binago: Iniimbitahan kayong lumahok sa survey na ito. Ikaw at ang iyong anak ay matagal nang nakatala sa aming pag-aaral, kaya ang inyong karanasan sa ngayon ay pinakamahalaga sa amin.
Halimbawa 3:
EN pinagmulan: Dear parents, please be remided that tomorrow is a short day for the school. Classes will be finished at 1:00 p.m., so your children have to be picked up at 3:00 p.m. at the latest.
TL target: Mahal na mga magulang, mangyaring tandaan na bukas ay isang maikling araw para sa paaralan. Matatapos ang klase sa 1:00 ng hapon, kaya kailangang sunduin ang inyong anak nang hindi lampas sa 3:00 ng hapon.
TL target na binago: Mahal na mga magulang, mangyaring tandaan na bukas ay isang maikling araw para sa paaralan. Matatapos ang mga klase sa 1:00 ng hapon, kaya kailangang sunduin ang inyong mga anak nang hindi lampas sa 3:00 ng hapon.
Maging consistent sa paggamit ng isahan at pangmaramihang pangngalan
Ang isa pang bagay na madaling makaligtaan ay ang pagkakapare-pareho sa paggamit ng isahan o pangmaramihang pangngalan. Ang bagay na ito ay madali lang kung iisipin, ngunit paminsan-minsa ay nakakalito din. Ang pagiging consistent dito ay hindi titingnan sa buong dokumento, kung hindi ay sa bawat pangungusap o bawat parirala na batayan. Tiyakin natin na ang ating mga pangngalan at panghalip ay nasa tamang anyo, isahan man o maramihan, at naaayon sa iba pang bahagi ng pangungusap. Ang mga sumusunod na halimbawa ay higit na nagpapaliwanag sa bagay na ito.
Halimbawa 1:
EN pinagmulan: The families of the community are happy with the news. They have already prepared themselves for the changes that are about to come, and they are willing to cooperate with the developers.
TL target: Ang mga pamilya ng komunidad ay masaya sa balita. Inihanda na nila ang kanilang sarili para sa mga pagbabagong darating, at handa silang makipagtulungan sa developer.
TL target na binago: Ang mga pamilya ng komunidad ay masaya sa balita. Inihanda na nila ang kanilang mga sarili para sa mga pagbabagong darating, at handa silang makipagtulungan sa mga developer.
Halimbawa 2:
EN pinagmulan: Your customers’ requests are important. These have to be attended to immediately so that your customers are happy.
TL target: Mahalaga ang mga kahilingan ng iyong mga mamimili. Kailangang asikasuhin kaagad ito nang sa gayon ay masaya ang iyong mga mamimili.
TL target na binago: Mahalaga ang mga kinakailangan ng iyong mga mamimili. Kailangang asikasuhin kaagad ang mga ito nang sa gayon ay masaya ang iyong mga mamimili.
Halimbawa 3:
EN pinagmulan: Please keep a copy of the signed documents. You may need to show them to us in the future.
TL target: Magtago ng mga kopya ng nilagdaang dokumento. Maaaring kailanganin mong ipakita ito sa amin sa hinaharap.
TL target na binago: Mangyaring magtago ng kopya ng mga nilagdaang dokumento. Maaaring kailanganin mong ipakita ang mga ito sa amin sa hinaharap.
Ang pagkakapare-pareho ay susi sa maraming bagay sa buhay, at lalo na sa ating trabaho. Sinusukat natin ang ating pagiging epektibo sa paraan ng epektibong pag-abot ng ating mensahe sa nilalayong madla, at kung paano sila tumugon sa mensahe. Tayo, bilang link sa pagitan ng mensahe at ng tumatanggap nito, ay isang uri ng mga sundalo at ang ating mga salita ay ang ating sandata. Misyon natin ang pagiging consistent sa ating pagkilos.
Umaasa ako na ang artikulong ito ay nagbigay ng aral sa inyo upang matulungan kayo sa inyong trabaho. Natututo ako sa bawat artikulong isinusulat ko, at umaasa ako na kayo rin ay natututo mula sa akin. Gusto kong marinig ang inyong mga komento at mungkahi, kung hindi man tungkol sa artikulong ito maaari ninyong sabihin kung ano ang gusto ninyong mabasa sa susunod na mga buwan. Salamat sa inyong oras! Hanggang sa muli!
0 comments