3

Hello sa lahat! Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Ako si Luna, ang inyong EN > TL Language Specialist dito sa Gengo. Welcome sa isa na namang artikulo na naglalayong makatulong na pagyamanin ang inyong kaalaman. Pero bago ang lahat, sana ay nagkaroon kayo ng panahong basahin ang ating mga nakaraang artikulo. Kung hindi man, mag-klik dito para sa pinakahuling artikulo na nai-post. 

 

Muli kong tiningnan ang ating mga proyekto na nagawa sa nakaraang buwan at mayroon ilang bagay na gusto kong i-highlight, upang makatulong na mabawasan ang mga pagkakamali sa hinaharap, at upang makatulong din na makamit at mapanatili ninyo ang matataas na marka. :-)

 

Ang pinakakaraniwang pagkakamali na nakikita ko, maniwala man kayo o hindi, ay ang maling pagbabaybay. Ang ilan sa mga ito ay halatang mga pagkakamali na malamang ay hindi lang napansin nang huling binasa ang trabaho bago isinumite, habang ang ilan naman ay mga pagkakamaling hindi masyadong halata dahil ang maling pagbaybay ay bumuo ng bagong salita.

 

Mga halimbawa:

 

EN pinagmulan: He sells motor vehicle parts and tyres.

TL target: Nagbebenta siya ng mag bahagi ng sasakyang de motor at mga gulong.

TL target na binago: Nagbebenta siya ng mga bahagi ng sasakyang de motor at mga gulong.

 

EN na pinagmulan: Part of the affected businesses are modeling agencies.

TL target: Kabilang sa mga apektadong negosyo ay ang mga ahensya ng pagmomolde.

TL target na binago: Kabilang sa mga apektadong negosyo ay ang mga ahensya ng pagmomodel.

 

EN pinagmulan: Please call us at 215-479-5480 (choose option 3).

TL target: Pakitawagan kami sa 215-479-5480 (piliian ang opsyon 3).

TL target na binago: Pakitawagan kami sa 215-479-5480 (piliin ang opsyon 3).

 

Makikita sa itaas na ang salitang "mga" ay naging "mag". Pero dahil isang salita din naman kasi ang "mag", itoy isang pagkakamali na hindi madaling makita. Halos ganon din ang nangyari sa salitang "pagmomodel" na naging "pagmomolde". Sa ganitong mga pangyayari mas maganda talagang suriin nang mabuti ang trabaho bago isumite. Magbigay ng sapat na oras at huwag magmadali. 

 

Ang isa pang karaniwang pagkakamali na naobserbahan ko ay ang kakulangan ng pagkakapare-pareho, o inconsistency sa Ingles. Ito ay ang paggamit ng magkaibang pagsasalin sa iisang salita sa kabuuan ng dokumento. Mahalaga ito upang hindi malito ang ating mga mambabasa tungkol sa mga detalye, o di kaya, mas matulungan silang maalala nang mabuti ang mahahalagang detalye ng binabasa nila. Naiintindihan ko na kung minsan gusto lang nating maging malikhain sa pagsusulat at ang pagbabago ng ilang salita ay tila hindi nakakapinsala. Gayunpaman, mas mabuting iwasan ang anumang pagkakataon ng hindi pagkakaunawaan, kaya mas mabuting gamitin ang parehong pagsasalin ng mga salita, sa lahat ng panahon, kahit na tila paulit-ulit ang mga ito.

 

Mga halimbawa:

 

EN pinagmulan: The team meets every Friday. The team members are very excited about the upcoming event.

TL target: Ang koponan ay nagpupulong tuwing Biyernes. Tuwang-tuwa ang mga miyembro ng grupo sa paparating na kaganapan.

TL target na binago: Ang koponan ay nagpupulong tuwing Biyernes. Tuwang-tuwa ang mga miyembro ng koponan sa paparating na kaganapan

 

EN source: C123 is the study drug being investigated. Each participant will receive the study drug at the beginning of the study.

TL target: Ang C123 ay ang gamot sa pag-aaral na iniimbestigahan. Ang bawat kalahok ay makakatanggap ng pinag-aaralang gamot sa simula ng pag-aaral.

TL target na binago: Ang C123 ay ang gamot sa pag-aaral na iniimbestigahan. Ang bawat kalahok ay makakatanggap ng gamot sa pag-aaral sa simula ng pag-aaral.

 

Sa unang halimbawa sa itaas, ang salitang "team" ay unang isinalin bilang "kopononan". Dapat itong mapanatili sa buong dokumento. Sa ikalawang halimbawa, ang "study drug" ay orihinal na isinalin bilang "gamot sa pag-aaral". Gayunpaman, sa sumunod na pangungusap ang pagsasalin ay nagiging “pinag-aaralang gamot”. Bagama't ito ay tama rin sa gramatika, ngunit hindi ito naaayon sa orihinal na pagsalin kaya dapat baguhin din ito at gawing "gamot sa pag-aaral". Mahalagang tandaan na kailangan nating sundin ang glossary ng kliyente, kung mayroon man, at gamitin natin ang pagsasalin ayon sa glossary sa bawat pagkakataon, maliban na lang kung ang glossary mismo ay hindi tama. Sa puntong ito, sabihin kaagad sa project manager ang inyong feedback. 

 

Ang isa pang pagkakamaling nakikita ko, bagaman hindi karaniwan, ay ang paggamit ng mga maling termino. Nauukol ito sa mga salitang hindi ginagamit sa pang-araw-araw, o mga salitang may higit sa isang kahulugan. Kapag pinapagana natin ang  spellcheck sa ating mga kompyuter, ang pagkakamaling ito ay hindi nakikita. Subalit, kapag binasa nating muli ang buong dokumento na naisalin, mapapansin nating may mali, dahil ang ilang mga parirala o linya ng mga pangugusap ay tila hindi akma. Ito dapat ang ating senyales para suriing muli kung ginamit natin ang tamang termino para sa parehong konteksto ng pinagmulan.

 

Mga halimbawa:

 

EN pinagmulan: To facilitate their smooth relocation, the owner has hired a moving company.

TL target: Upang maging maayos ang kanilang paglipat, kumuha ang may-ari ng isang kumpanyang lumilipat.

TL target na binago: Upang maging maayos ang kanilang paglipat, kumuha ang may-ari ng isang kumpanyang tumutulong sa paglilipat.

 

EN pinagmulan: He was an inexperienced pilot but he managed to land the Cirrus SR22 and taxi it safely to the hangar.

TL target: Isa siyang baguhan na piloto ngunit nagawa niyang mailapag ang Cirrus SR22 at i-taksi ito nang ligtas sa hangar. 

TL target na binago: Isa siyang baguhan na piloto ngunit nagawa niyang mailapag ang Cirrus SR22 at i-taksi ito nang ligtas papunta sa paradahan.

 

Sa unang halimbawa sa itaas, literal na isinalin ang pariralang "moving company" bilang "kumpanyang lumilipat". Subalit, ang isang “moving company" ay talagang isang kumpanyang tumutulong sa pagdadala ng mga bagay mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar, kaya dapat itong isalin ayon sa ginagawa nito sa halip na sa literal na kahulugan ng mga salita.

 

Sa pangalawang halimbawa, ang salitang "hangar" ay tumutukoy sa lugar kung saan nakaparada ang mga eroplano. Sa orihinal na pagsasalin, ang “hangar” ay iniwan sa Ingles na anyo. Naiintindihan ko na kung minsan ay nag-iiwan tayo ng ilang salita sa Ingles, ngunit dapat lang itong gawin sa mga pagkakataong mas madaling maunawaan ang mga salitang ito sa Ingles, tulad ng mga teknikal o medikal na termino. Kapag hindi natin naiintindihan ang isang salita mas mabuting maghanap tayo online tungkol sa kahulugan nito at isalin natin ang salita sa paraang maiintindihan ng mambabasa. Sa ganitong paraan, mauunawaan nila nang tama ang mensahe at hindi tayo nag-iiwan ng puwang para sa mga pagkakalito.

 

Hanggang dito nalang muna. Maraming salamat sa inyong oras. Sana ay magiging kapaki-pakinabang ang artikulong ito para sa inyo. Huwag mag-atubiling mag-iwan ng komento o feedback para sa akin. Magkita-kita tayo sa susunod na artikulo. Paalam sa ngayon!

0 comments

Please sign in to leave a comment.