3

Hi sa inyong lahat! Ako si Luna, ang inyong EN >TL Language Specialist. Narito na naman ako para sa isang bagong artikulo. Sanay nabasa ninyo ang huling artikulong naisulat ko at sanay nakatulong din ito sa inyo kahit papaano. Kung hindi nyo pa ito nabasa, pwede ninyong ma-access ang artikulo sa pamamagitan ng pag-klik dito

 

Bago ang lahat, gusto kong pasalamatan ang ating mga tagasalin sa Tagalog para sa mahusay na trabaho na ipinapakita ninyo buwan-buwan. Alam kong lahat kayo ay nagsusumikap at ibinibigay ang lahat ng inyong makakaya sa bawat dokumentong hinaharap ninyo.

 

Gaano man natin subukang gawing perpekto ang ating mga trabaho, talagang may mga kamaliang hindi maiiwasan. Okay lang yan. Narito tayo upang matuto at maging mas mahusay. Ang importante ay alam natin kung saan tayo nagkamali at subukan nating itama ito sa susunod na pagkakataon. Sa puntong ito, guston kong maglaan ng panahon para sa ilang mga pagkakamali na nakita ko sa ating mga pagsasalin kamakailan lang. Nais ko ring paalalahanan ang ating mga tagasalin na bigyang pansin ang mga bagay na ito upang hindi na maulit, o kahit man lang mabawasan, sa hinaharap.

 

Walang pagkakaisa sa gramatika

 

Habang iniisip natin ang pagkakaayos at istilo ng orihinal na documento, kailangan din nating suriing mabuti kung nagkakaisa sa gramatika ang ating pagsasalin. Kung hindi, okay lang na baguhin kung paano natin binuo ang mga pangungusap basta't ang mensahe ay naihahatid nang tama.

 

Halimbawa 1:

  • EN pinagmulan: This category does not include old books.
  • TL target: Ang kategoryang ito ay hindi kasama ang mga lumang libro
  • TL target na binago: Hindi kasama sa kategoryang ito ang mga lumang libro.

Halimbawa 2:

  • EN pinagmulan: This part requires the applicant to submit a business license.
  • TL target: Ang bahaging ito ay nangangailangan ng aplikante na magsumite ng isang lisensya sa negosyo.
  • TL target na binago: Kinakailangan sa bahaging ito na magsumite ang aplikante ng isang lisensya sa negosyo.

 

Maling artikulo at pang-ugnay

 

Mangyaring bigyang-pansin ang mga artikulo at pang-ugnay na ating ginagamit. Maaaring ang mga ito ang eksaktong pagsasalin sa Tagalog ngunit hindi ito ang tamang gamitin na mga salita sa konteksto ng pangungusap o talata ng proyekto. Madaling malito sa mga bagay na ito lalo na kung ang sinasalin natin ay isang listahan o hanay ng mga salita. Mahalagang tingnan natin ang dokumento sa kabuuan, hindi bawat linya o bawat bahagi, upang matiyak na mayroong pagkakaugnay ang lahat.

 

Halimbawa 1:

  • EN pinagmulan:
    These changes are important to the following:
    (1) sellers
    (2) customers
  • TL target:
    Ang mga pagbabago na ito ay mahalaga para sa mga sumusunod:
    (1) ang mga nagbebenta
    (2) ang mga mamimili
  • TL target na binago:
    Ang mga pagbabago na ito ay mahalaga para sa mga sumusunod:
    (1) mga nagbebenta
    (2) mga mamimili

Halimbawa 2:

  • EN pinagmulan: This place is an intellectual disability home.
  • TL target: Ang lugar  na ito ay isang tahanan na mayroong kapansanan sa intelektwal
  • TL target na binago:  Ang lugar na ito ay isang tahanan ng mayroong intelektwal na kapansanan

 

Dobleng paggamit ng “mga”

 

Isa sa pinakakaraniwang pagkakamali sa pagsusulat ay ang paggamit ng salitang “mga” nang doble-doble. Pakitandaan na inilalagay natin ang "mga" bago ang pangngalan, at tuwing ginagawa natin ito siguraduhin natin na wala tayong nailagay na ibang “mga” bago ang pang-uri. Madaling makaligtaan ang bagay na ito kapag tayo ay gumagawa ng mahahaba at kumplikadong mga pangungusap, kaya't talagang mas maigi kung may sapat na oras tayo sa pagsusuri ng ating trabaho bago magsumite.

 

Halimbawa 1:

  • EN pinagmulan: Some people like buying malfunctioning cars to refurbish and resell.
  • TL target: Ang ilang mga tao ay gustong bumili ng mga hindi na gumaganang mga sasakyan para ayusin at ibentang muli.
  • TL target na binago: Ang ilang mga tao ay gustong bumili ng hindi na gumaganang mga sasakyan para ayusin at ibentang muli.

Halimbawa 2:

  • EN pinagmulan: This product is available in all leading children stores nationwide.
  • TL target: Ang produktong ito ay mabibili sa lahat ng mga nangungunang mga tindahan sa buong bansa.
  • TL target na binago: Ang produktong ito ay mabibili sa lahat ng nangungunang mga tindahan sa buong bansa

 

Ang lahat ng mga pagkakamaling binanggit sa itaas ay maliliit na bagay na maaari nating itama kaagad. Kaya sa susunod na proyekto ninyo, huwag kaligtaan ang mga ito. Nauunawaan ko na may mga pagkakataong nalulula tayo sa dami ng trabaho na dumarating sa atin at minsan wala na tayong gaanong oras para suriing mabuti ang ating trabaho. Umaasa ako na ang artikulong ito ay magsisilbing paalala kung anong mga bagay ang mas pagtutuonan ng pansin para mas mahusay tayo sa paggamit ng ating oras.

 

Muli, maraming salamat sa panahong ginugol ninyo sa pagbasa ng artikulong ito. Kung may gusto kayong ibahagi kaugnay sa mga paksang nabanggit dito, huwag mag-atubiling sulatan ako o magkomento sa ibaba. Hanggang dito nalang muna. Magkita-kita tayo sa susunod na artikulo!

0 comments

Please sign in to leave a comment.