Halos dalawang taon na ngayon mula nang una akong magsulat ng baking buwanang artikulo dito sa forum. Karaniwan kong binibigyang-pansin ang mga kamalian na nakikita ko sa mga proyekto sa buwang nagdaan at nagbibigay ako ng ilang payo kung paano itama ang mga ito. Sa paglipas ng panahon nakita ko na may mga kamaliang regular na nangyayari. Para sa artikulong ito mabilisan kong sinuri ang mga nakaraang artikulo at nakumpirma ko na ang karamihan sa mga pagkakamaling naisulat ko ay umiikot sa literal na pagsasalin at kakulangan ng pagiging consistent.
Ang artikulo ko ngayon ay naiiba sa mga nakaraan. Sa pagkakataong ito, nais kong magbigay ng isang maiksing buod sa mga kadalasang kamaliang nangyayari sa mga pagsasalin natin dito sa Gengo sa nakaraang halos dalawang taon, at sa huli ay may ilang suhestiyon din ako tungkol sa pagwawasto ng mga ito.
Ang pinakaunang artikulo na aking sinulat dito sa ating Tagalog forum ay tungkol sa literal na pagsasalin. Ito ay isang kamalian na karaniwang nangyayari lalo’t dahil bilang mga tagasalin gusto nating manatiling malapit sa pinagmulan at natatakot tayo na kapag lumihis tayo ng kaunti ay maaapektuhan ang kahulugan ng buong mensahe. Ang literal na pagsasalin ay patuloy na lumalabas sa mga buwanang proyekto, kasama ang karaniwang pagkakamali ng pagiging hindi consistent.
Ang consistency ay naaapektuhan ng maraming aspeto sa pagsasalin. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng pagkakapare-pareho ng mga panghalip, ng mga panahunan, o ng pangmaramihan o pang-isahan na mga pandiwa o paksa. Ang pagiging consistent ay maaari ring maapektuhan ng pananaw (point of view, p.o.v.) -- alinman sa pangalawa o pangatlong tao na pananaw. Ang pagkakapare-pareho din ay nasa pagsasalin na pinili natin para sa isang salita, dahil alam naman natin na maraming salita ang may higit sa isang pagsasalin or kahulugan. Dagdag pa rito, ang pagiging consistent ay maaaring nasa target na mambabasa, o kung sino sa tingin natin ang tatanggap ng mensahe. Ang ibig sabihin nito, sumasaklaw ang consistency sa halos lahat ng mga pagkakamali na nangyayari sa pagsasalin. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paksang ito, maaari ninyong basahin ang aking artikulo na may pamagata na "Ang Kahalagahan ng Pagiging Consistent" sa buwan ng Hulyo sa nakaraang taon.
Ngayon ang tanong: paano natin matitiyak na hindi tayo mahuhulog sa mga bitag ng literal na pagsasalin at kakulangan ng pagiging consistent? Napakadaling makita ng mga kamaliang ito, ngunit sa totoo lang ang pag-iwas ay hindi ganoon kadali.
Una sa lahat, sa tingin ko, mahalagang maunawaan natin nang lubusan ang ating isinasalin. Iminumungkahi ko na ang unang bagay na dapat gawin kapag makatanggap tayo ng isang proyekto ay ang mabilisang pagsuri ng materyal upang malaman kung tungkol saan ito, para kanino at bakit. Mahalaga ang pagsusuri sa materyal dahil makakatulong ito sa atin na isaisip at pansinin ang mga aspeto ng pagsasalin na madaling maapektuhan ng pagiging consistent o ng kakulangan nito -– mga panghalip, pamanahon, p.o.v., target na mambabasa, atbp. Siyempre importante din na basahin nating mabuti ang mga tagubilin dahil mas magiging matibay ang ating pag-unawa sa materyal pagkatapos nating gawin ito. Ang paggawa ng mga bagay na ito ay gumagarantiya ng isang mahusay na trabaho.
Bukod dito, isa pang napakahalagang bagay na dapat gawin ay ang pagbasa ng ating isinalin na proyekto bago isumite. Napakasimpleng bagay, ngunit maniwala kayo't sa hindi, marami ang hindi gumawaga o nakakagawa nito. Kahit na nauubusan na tayo ng oras, hindi tayo dapat magsumite ng trabahong hindi natin binasa nang buo. Sa pagbabasa natin ng dokumento, hindi lamang natin ito titingnan para sa mga posibleng pagkakamali na itatama, ngunit babasahin din natin ito para sa kahusayan nga daloy ng mga pangungusap. Dapat itong dumaloy nang natural at kayang nitong umiral nang mag-isa, na hindi mangangailangan ng pagkonsulta sa pinagmulan na dokumento. Ang ating isinalin ay dapat dumaloy nang tulad ng isang orihinal na dokumento, na walang anumang bakas na ito ay isang pagsasalin lamang.
Kung mapapansin ninyo, ang mga mungkahing binanggit ko sa itaas ay nangyayari sa simula at sa dulo ng isang trabaho. Sa pagitan ng mga ito, ginagawa natin ang ating mahika bilang mga tagasalin sa pamamagitan ng paggamit ng ating teknikal na kasanayan at kadalubhasaan. Kung kaya nating gawin ang ganitong diskarte na sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng pagsasalin, sa tingin ko, ito ay isang siguradong panalo.
Sa puntong ito, nais kong magpasalamat sa inyong mga pagsisikap sa paggawa ng mahusay na trabaho, at sa bawat pagtama ng isang pagkakamali. Salamat din sa pagpapahintulot ninyo sa akin na magsulat sa forum na ito at magbahagi ng kaunting kaalaman na mayroon ako bilang inyong Language Specialist. Ito ay isang kasiyahan at karangalan para sa akin.
Maraming salamat sa inyong oras sa pagbabasa ng artikulong ito. Kung mayroon kayong gustong ibahagi kaugnay sa mga nabanggit ko rito, ikagagalak kong makarining mula sa inyo.
Mabuhay kayong lahat at ang patuloy ninyong pagtutulay sa mundo, isang salita bawat pagkakataon! Hanggang sa muli!
0 comments