Magandang araw sa lahat! Ako si Luna, isang Language Specialist para sa EN-TL language pair dito sa Gengo. Isang karangalan ang magsulat para sa paunang isyu ng ating forum. Bago ang lahat, gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para ipakilala ang aking sarili.
Isa akong Pilipina, kasal sa isang Italyano at may dalawang anak na pawang lalaki—isang pitong taong gulang, at isang dalawang taong gulang. Simula sa taong ito ang aming munting pamilya ay nakabase dito sa Taiwan. Nakatira kami dati sa Europa. Palipat-lipat kami ng lugar dahil sa trabaho ng aking asawa, kaya laking pasasalamat ko sa klase ng trabaho na mayroon ako dahil kaya ko itong dalhin kahit saan.
Karamihan sa atin ay nagsusumikap na maging mas mahusay sa ginagawa natin. Alinsunod dito, nais kong pagtuunan ng pansin sa artikulo na ito ang isa sa mga karaniwang pagkakamali na naoobserbahan ko sa ating mga tagasalin. Gusto kong pag-usapan ang Literal na Pagsasalin o Literal Translation. Gusto ko ring mag-alok ng ilang mga tip para maiwasan ito at gawing mas mahusay ang ating pagsasalin para sa ikasisiya ng ating mga customer.
Ang "literal translation" ay isang terminong ginamit upang ilarawan ang isang pagsasalin na masyadong malapit sa pinagmulan na teksto. Ito ay isang pagsasalin na hindi natural sa target na wika, kadalasan ay mahirap itong basahin at hindi nagpapahiwatig ng tunay na kahulugan ng orihinal na teksto. (https://gengo.com/translators/resources/avoiding-literal-translation/#post-19991)
Bakit nangyayari ang literal translation? Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko ginawa ito. Guilty din ako sa bagay na ito lalo na noong nagsisimula pa lang ako, kaya alam ko kung saan ito nanggagaling, kung bakit ito nangyayari.
Una sa lahat, nangyayari ito dahil gusto nating maging ganap na tama sa pagsasalin. Natatakot tayong lumayo sa orihinal na teksto at nag-aalala tayo na kung babaguhin natin ang isang salita, o ang pagkakaayos ng mga salita, ay magbabago din ang kahulugan. Pangalawa, ayaw nating mag-iwan ng mga salita sa Ingles, kaya sinusubukan nating isalin ang lahat kahit ang mahihirap na salita, mga jargon, at iba pang katulad nito. Pangatlo, hindi natin lubos na nauunawaan ang paksa kaya tinatapos natin ang pagsasalin sa literal na paraan para mas sigurado.
Pamilyar ba sa inyo and alinman sa mga ito? Hindi man kumpleto ngunit ito ang mga kadalasang dahilan, sa aking palagay, kung bakit nangyayari ang literal na pagsasalin. Narito ang ilang mga tip kung paano ito maiiwasan.
Una, piliin ang pinakamahusay na mga salita na kumatawan sa puso at diwa ng orihinal na teksto. Oo, may maraming mga kasingkahulugan at iba't ibang paraan ng paghahatid ng pagsasalin, ngunit hindi natin maaaring gamitin ang lahat ng ito. Pumili ng pinakamahusay na salita o parirala at panatilihin ito sa buong dokumento. Sa simula marami pa kayong pagdududa kung tama ang inyong desisyon, ngunit habang tumatagal ay magiging mas madali na ito para sa inyo.
Halimbawa:
EN: In my line of work, I meet people from all walks of life everyday.
TL: Sa linya ng aking trabaho, nakakatagpo ako ng mga tao mula sa lahat ng punto ng buhay araw-araw. X
TL: Sa linya ng aking trabaho, nakakakilala ako ng mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay araw-araw.Ö
Pangalawa, huwag matakot na mag-iwan ng ilang salita sa Ingles. May mga salita na malawak na tinatanggap at mas naiintindihan sa Ingles kaysa sa Tagalog. Gayunpaman, mahalagang suriin muna ang tagubilin ng customer tungkol dito at ang kanilang glossary, kung mayroon man.
Halimbawa:
EN: Results will be published on the website when these become available.
TL: Ilalathala sa website ang mga resulta kapag magagamit na ang mga ito. X
TL: Ilalathala sa website ang mga resulta kapag available na ang mga ito. Ö
At sa panghuli, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga project manager, o sa inyong mga customer, o tingnan ang kaugnay na mga materyales upang maibigay ninyo ang pinakamahusay na pagsasalin. Kung kulang kayo sa oras, mag-iwan lamang ng komento para sa project manager o proof reader upang maaari nila kayong balikan sa lalong madaling panahon.
Ang pinakamahalagang dapat tandaan sa lahat ng ito ay ang pagkakaroon ng natural na daloy ng mga pangugungsap sa inyong pagsasalin. Ang isang mabilis na paraan upang matiyak na hindi kayo literal na nagsasalin ay ang pagbasa ng isinalin na dokumento nang hindi tumitingin sa orihinal na teksto. Dapat madali itong basahin at intindihin. Tandaan, karamihan sa mga nilalayong mambabasa ay walang access sa origihinal na teksto. Umaasa lamang sila sa inyong pagsasalin, kaya kailangang gawin ito sa pinakamahusay na paraan sa abot ng inyong makakaya.
Sana ay nakatulong ang artikulong ito sa inyong trabaho. Umaasa akong magkikita tayo ng madalas dito sa forum na ito. Nilalayon ng koponan ng Gengo na sa pamamagitan ng platform na ito ay makakabuo tayo ng mas makabuluhang koneksyon sa isa't isa at gawing mas kaaya-aya ang ating sama-samang pagtatrabaho.
Hanggang sa muli!
0 comments