8

Hello sa lahat! Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Bago ang lahat, sana ay nabasa ninyo ang ating mga nakaraang arikulo. Mag-klik dito para madaliang ma-access ang mga ito, para sa mga hindi pa nakakabasa. 

 

Muli kong tiningnan ang ating mga pagsasalin sa nakaraang buwan at gusto kong i-highlight ang karamihan sa mga pagkakamali na nakita ko upang mapagtuonan ninyo ng pansin ang mga ito at maiwasang gawin sa mga paparating na trabaho. 

 

Maling panghalip

 

Ito marahil ang pinakakaraniwang pagkakamali na nangyayari bawat buwan. Nitong Nobyembre, nakita ko na mas marami ang mga pagkakataong ito kumpara sa mga nakaraang buwan. Gaya ng sinabi ko sa nakaraang mga artikulo, kadalasan, ang tamang anyo na gagamitin ay ang pangmaramihang anyo dahil marami sa mga tekstong isinasalin natin dito sa Gengo ay mga anunsyo mula sa isang paaralan na nilalayon para sa mga magulang, o mula sa mga lokal na organisasyon ng gobyerno na para sa mga miyembro nito, o mga patalastas na naglalayong mabasa ng isang tiyak na pangkat nang sama-sama. Mangyaring gamitin ang inyong pinakamahusay na paghuhusga sa tamang pagtukoy sa nilalayong madla ng mensahe kung ito ay hindi tahasang nakasulat.

 

Sa mga halimbawa sa ibaba, ang una at pangalawa ay mga tekstong naka-address sa mga nasasakupan ng isang lokal na pamahalaan at sa mga pamilya ng paaralan, kaya dapat na ang mga ito ay gumagamit ng pangmaramihang anyo. Ang huling halimbawa ay naka-address sa isang partikular na magulang ng isang mag-aaral, kaya ito ay nasa isahan na anyo. Pansinin ang mga pagwawasto sa mga halimbawang ito, hindi lamang sa isahan o pangmaramihang anyo, kundi pati na rin sa gramatika kung saan naaangkop. 

 

Mga halimbawa

 

EN: Our District is collecting important information that will determine the amount of specific funding we will receive.

TL: Ang aming Distrito ay nangongolekta ng mahahalagang impormasyon na tutukuyin ang halaga ng partikular na pagpopondo na aming matatanggap. 

TL na binago: Ang ating Distrito ay nangongolekta ng mahahalagang impormasyon na tutukoy sa halaga ng partikular na pagpopondo na ating matatanggap.

 

EN: Take five minutes to update or confirm your information.

TL: Maglaan ng limang minuto upang i-update o kumpirmahin ang iyong impormasyon.

TL na binago: Maglaan ng limang minuto upang i-update o kumpirmahin ang inyong impormasyon.

 

EN: You are receiving this message because you are the parent of Jose Andales, who is a student of this school. 

TL: Natatanggap mo ang mensaheng ito dahil kayo ay isang magulang ni Jose Andales, na isang estudyante sa paaralang ito.

TL na binago: Natatanggap mo ang mensaheng ito dahil ikaw ay isang magulang ni Jose Andales, na isang estudyante sa paaralang ito.

 

Para sa huling halimbawa, maaari ring ito ay para sa isang pormal na komunikasyon, kung gayon ang paggamit ng pangmarahimang anyo (ibig sabihin, “ninyo”, “kayo”) ay ang pinakamahusay na diskarte. Gayunpaman, kung ang tono ng mensahe ay mas impormal at kaswal lang, ang paggamit ng isahan na anyo ay pinakamahusay (ibig sabihin, “mo”, “ikaw”).

 

Hindi naisalin/ Hindi dapat isalin na mga salita

 

Karamihan sa mga salitang hindi naisalin sa marami sa mga proyekto ay mga aktwal na salitang naisasalin. Pakitiyak na nagsasalin tayo hangga't kaya natin, at hangga't pinapayagan tayo. Kahit na alam nating karaniwan ding ginagamit ang Ingles na katapat sa pang-araw-araw na pag-uusap, hangga't ang pagsasalin sa Tagalog ay katanggap-tanggap din at hindi awkward ang bagsak, dapat pa rin nating piliin ang pagsasalin sa Tagalog.

 

Mga halimbawa

 

EN: Here is the BHS Principal's update for this week. 

TL: Narito ang update ng BHS Principal para sa linggong ito.

TL na binago: Narito ang update ng Punong-guro ng BHS para sa linggong ito. 

 

EN: Please don’t forget to register here if you want to avail of the promo. 

TL: Mangyaring huwag kalimutang magpa-register dito kung gusto ninyong sumali sa promo. 

TL na binago: Mangyaring huwag kalimutang magparehistro dito kung gusto ninyong sumali sa promo. 



Literal na mga pagsasalin

 

Bilang panghuli, nakita kong marami pa ring literal na pagsasalin sa nakaraang buwan. Nais kong hilingin ang inyong pagbabantay upang matiyak na iwasang gawin ito. Mas maiging gumamit ng ibang istilo o anyo ng pangungusap kung ang pagsunod sa pinagmulang wika ay magbibigay ng hindi akmang daloy o makakaapekto sa kalidad ng mensahe. Ang pinakamahalaga ay ang maibigay natin ang tamang mensahe. Kapag literal tayong nagsasalin, hindi natin ito nakakamit. 

 

Mga halimbawa

 

EN: Tomorrow you may send a bag with your student so they can take their stuff home before the holidays.

TL: Maaari kayong magpadala bukas ng bag kasama ng inyong mag-aaral para maiuwi nila ang kanilang mga gamit bago magbakasyon. 

TL na binago: Maaari kayong magpadala bukas ng bag sa inyong mag-aaral para maiuwi nila ang kanilang mga gamit bago magbakasyon. 

 

EN: Delete duplicate files with one tap.

TL: Tanggalin ang mga magkapareho na file sa isang kabitan. 

TL na binago: Tanggalin ang magkakaparehong file sa isang pindot.

 

EN: Kids are welcome and they will be able to play on the lower playground.

TL: Tinatanggap ang mga bata at makakapaglaro sila sa ibabang palaruan.

TL na binago: Maaaring pumunta ang mga bata at makakapaglaro sila sa palaruan sa ibaba. 

 

Maraming salamat sa inyong oras. Sana ay naging kapaki-pakinabang ang artikulong ito para sa inyo. Huwag mag-atubiling mag-iwan ng komento o feedback para sa akin. 

 

Sa puntong ito, gusto kong batiin kayong lahat ng isang Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon! Nawa’y maging mapayapa at masaya ang inyong mga pagdiriwang kasama ang inyong mga mahal sa buhay. 

 

Paalam sa ngayon at hanggang sa muli!



0 comments

Please sign in to leave a comment.