8

Magandang araw! Sana ay nasa maayos na kalagayan kayong lahat. Welcome sa artikulo natin para sa buwan na ito. Bago ang lahat, huwag kalimutang basahin ang ating nakaraang artikulo at sanay magustuhan ninyo ito.

 

Siguradong karamihan sa atin ay sobrang abala sa mga panahong ito dahil paparating na ang pasko, at malapit na ring magtapos ang taon. Umaasa ako na kahit papaano ay makakatulong ang artikulong ito na mapagtuonan ninyo ng pansin ang mga karaniwang pagkakamali sa mga proyekto nitong nakalipas na dalawang buwan at iwasang maulit ang mga ito. Binanggit ko sa ibaba ang mga maikling paglalarawan ng mga pagkakamaling ito at ang mga halimbawa mula sa aktwal na mga proyekto (binago nang kaunti upang maprotektahan ang pagkapribado ng ating mga tagasalin). Sana'y sa pamamagitan ng artikulong ito mapadali ang inyong trabaho sa pagsuri ng inyong pagsasalin bago kayo magsumite. 

 

Mga salitang hindi naisalin

 

Lagi nating tandaan na dapat nating isalin sa Tagalog ang lahat ng naisasalin na mga salita, maliban sa mga hindi dapat isalin ayon sa kliyente, o ang mga salitang walang katumbas sa Tagalog, o ang mga salitang malawakang ginagamit sa ingles na kung isasalin natin ay magiging mas mahirap maintindihan ng mga tao. Gayunpaman, huwag nating ipagpalagay na maraming termino ang pwedeng iwanan sa Ingles dahil mauunawaan pa rin naman ito nang sapat, dahil sa galing ng mga Pilipino sa wikang Ingles. Ang ating trabaho ay ang magsalin sa abot ng ating makakaya upang ito ay maging kapaki-pakinabang sa mga tunay na nangangailangan ng pagsasalin.

 

Narito ang ilang halimbawa ng mga hindi naisaling salita na nakita ko kamakailan lang:

 

Ingles: The municipality has arranged for the residents to use the city's bus system free of charge.

Tagalog: Inayos ng munisipyo ang libreng paggamit ng mga residente sa bus system ng lungsod.

Tagalog na binago: Inayos ng munisipyo ang libreng paggamit ng mga residente sa sistema ng bus ng lungsod.

 

 

Ingles: Please contact your internet service provider for any questions.

Tagalog: Mangyaring makipag-ugnayan sa inyong internet service provider para sa anumang mga katanungan.

Tagalog na binago: Mangyaring makipag-ugnayan sa tagapagbigay ng serbisyo ng inyong internet para sa anumang mga katanungan.

 

 

Ingles: Please bring a valid driver's license.

Tagalog: Mangyaring magdala ng isang valid na driver’s license.

Tagalog na binago: Mangyaring magdala ng isang balidong lisensya sa pagmamaneho.

 

Literal na pagsasalin

 

Nakikita kong muli ang ilang literal na pagsasalin sa kamakailang mga gawain. Ito marahil ang isa sa pinakamahirap iwasan, dahil gusto nating manatiling malapit sa pinagmulan hangga't maaari. Gayunpaman, ang kahulugan ay mas mahalaga kaysa sa anyo. Samakatuwid, huwag matakot na subukan ang ibang istruktura ng pangungusap at gumamit ng ibang kasingkahulugan na mga salita kung magbibigay ito ng mas magandang daloy at mas madali para sa mambabasa na maunawaan ang mensahe.

 

Narito ang ilang halimbawa ng literal na pagsasalin sa mga kamakailang proyekto:

 

Ingles: In your opinion, what is or will be the most difficult problem in this situation?

Tagalog: Sa iyong palagay, ano ang o magiging pinakamahirap na problema sa sitwasyong ito?

Tagalog na binago: Sa iyong palagay, ano ang pinakamahirap o magiging pinakamahirap na problema sa sitwasyong ito?

 

Ingles: One of the services we offer is freeing up the memory space of your phones.

Tagalog: Ang isa sa mga serbisyong inaalok namin ay ang pagpapalaya ng espasyo ng memorya ng inyong telepono.

Tagalog na binago: Ang isa sa mga serbisyong inaalok namin ay ang paglilinis ng memorya ng inyong telepono para lumaki ang espasyo.

 

Ingles: We also offer RAM Speedup which ensures a smooth phone.

Tagalog: Nag-aalok din kami ng Pagpapabilis ng RAM para matiyak ang isang makinis na telepono.

Tagalog revised: Nag-aalok din kami ng Pagpapabilis ng RAM para matiyak ang mabuting paggana ng telepono.

 

Maramihan vs. isahan

 

Isa din sa mga pinakakaraniwang pagkakamali na nakikita ko sa ating mga proyekto ay ang hindi pagkakatugma sa mga panghalip na ginamit, ito man ay isahan o maramihan. Kadalasan, ang maramihang anyo ang dapat gamitin dahil karamihan sa mga materyales na ating isinasalin dito sa Gengo ay mga anunsyo, patalastas o impormasyon na inilalaan para sa isang takdang grupo ng mga tao, samakatuwid, pangmaramihan. Sa ibang mga pagkakataon, halimbawa, sa isang palatanungan, ito ay maaaring nasa isahan na anyo dahil ang materyal ay kumakausap sa sumasagot lamang ng palatanungan na iyon. Kapag ang punto ng pananaw ay hindi tahasang ipinahiwatig ng kliyente, bilang mga tagapagsalin, responsibilidad din nating pag-isipang mabuti ang nilalayong madla ng materyal na ating isinasalin at ayusin nang naaayon ang mga panghalip na ginagamit natin.

 

Narito ang ilang mga halimbawa  mula sa mga kamakailang proyekto na nagpapakita sa atin kung paano nangyayari ang mga pagkakamali sa mga panghalip.

 

Ingles: Dear Families, I want to remind you that classes will end early tomorrow. Please do not forget to pick up your students by 1:00 pm.

Tagalog: Mahal na mga Pamilya, gusto kong ipaalala sa iyo na maagang matatapos ang mga klase bukas. Huwag kalimutang sunduin ang iyong mga mag-aaral bago mag-ala-una ng hapon.

Tagalog na binago: Mahal na mga Pamilya, gusto kong ipaalala sa inyo na maagang matatapos ang mga klase bukas. Huwag kalimutang sunduin ang inyong mga mag-aaral bago mag-ala-una ng hapon.

 

Ingles: If you are a parent accessing this website, please have your child's student number ready.

Tagalog: Kung ikaw ay isang magulang na nag-a-access sa website na ito, mangyaring ihanda ang numero ng mag-aaral ng inyong anak.

Tagalog na binago: Kung ikaw ay isang magulang na nag-a-access sa website na ito, mangyaring ihanda ang numero ng mag-aaral ng iyong anak.

 

Hanggang dito nalang muna. Umaasa akong magiging kapaki-pakinabang ang artikulong ito. Kung mayroon kayong anumang mga komento o mungkahi, huwag mag-atubiling mag-iwan ng mensahe dito. Hanggang sa muli! Naway magkaroon kayong lahat ng isang magandang katapusan ng linggo, sa tahanan at sa trabaho!

0 comments

Please sign in to leave a comment.