Kumusta po kayong lahat? Ako si Luna, ang inyong EN > TL Language Specialist. Welcome sa isa na namang artikulo na umaasa makakatulong sa inyo na maging mas mahusay sa inyong trabaho. Sana ay nagkaroon kayo ng panahon na basahin ang ating huling artikulo. Ngayon ay magbabahagi ako ng konting kaalaman tungkol sa isang bagay na nakikita kong nangyayari sa mga pagsasalin ng ilan sa ating mga kasamahan, ang labis na pagsasalin o tinatawag sa ingles na “over translation”.
Kabilang sa mga pagkakamaling madaling gawin ng isang tagasalin ay ang labis na pagsasalin. Ang konseptong ito ay maaaring talakayin nang mas detalyado sa ibang panahon, at may mga artikulo kayong mababasa tungkol dito, ngunit para sa madaliang paglalarawan, ang labis na pagsasalin ay nangyayari kapag:
- May mga salita sa target na wika na wala sa pinagmulang wika;
- Ang target na wika ay gumagamit ng masyadong maraming mga salita, o mas mahabang pagsasalin, kahit na ang mensahe ay maaaring ihatid sa isang mas maiksing paraan;
- Gumagamit ang target na wika ng mas malalalim at mabulaklak na mga salita dahilan para magbago ang tono ng mensahe kumpara sa orihinal;
- Ang target na wika ay may mga hindi kinakailangang pagsasalin tulad ng adres, o mga termino sa Ingles na karaniwang tanggap na sa kanilang anyo at hindi na isinasalin;
- Ang target na wika ay nagbibigay ng impormasyon na wala sa pinagmulang wika;
- Ang target na wika ay gumagamit ng mga hypernym. Ito ang tawag sa mga salita na may mas malawak na kahulugan (halimbawa, ang paggamit ng "hayop" sa halip na "aso", "batong hiyas" sa halip na "brilyante", atbp.);
- Ang target na wika ay nagbibigay ng dalawa o higit pang mga pagsasalin ng isang pinagmulang salita;
Upang mas mailarawan kung paano nangyayari ang labis na pagsasalin, pakitingnan ang mga halimbawa sa ibaba.
Halimbawa 1
EN pinagmulan: They think that working full time to support their family is just an ordinary part of what they need to do, when in fact what they have been through, what they continue to do is extraordinary.
TL target: Iniisip nila na ang pagtatrabaho sa buong oras upang masuportahan ang kanilang pamilya ay isang ordinaryong bahagi lamang ng kung ano ang kailangan nilang gawin, kung saan ang totoo ay kung ano ang ginagawa nila, napagdaanan, ang patuloy nilang ginagawa ay pambihira.
TL target na binago: Iniisip nila na ang pagtatrabaho sa buong oras upang masuportahan ang kanilang pamilya ay isang ordinaryong bahagi lamang ng kung ano ang kailangan nilang gawin, ngunit ang totoo ay kung ano ang kanilang pinagdadaanan, ang patuloy nilang ginagawa ay pambihira.
Sa halimbawang ito, ang target na wika ay gumamit ng mahabang pagsasalin kahit na pwedeng ipahayag ang mensahe sa mas maiksing paraan at nagdaragdag ng isang bagay na wala sa pinagmulang wika. Makikita ito sa pariralang “kung saan ang totoo ay kung ano ang kanilang ginagawa”. Ang pariralang “kung saan” ay maaaring palitan ng “ngunit”, at ang salitang “ginagawa” ay dapat tanggalin dahil wala ito sa EN na pinagmulan.
Halimbawa 2
EN pinagmulan: If you want your child to visit the Dental Clinic you must complete the consent form and return it byThursday, February 3.
TL target: Kung gusto mong bisitahin ng iyong anak ang Dental Clinic kailangan mong kumpletuhin ang form ng pahintulot at ibalik ito sa o bago dumating ang Huwebes, Pebrero 3.
TL target na binago: Kung gusto mong bisitahin ng iyong anak ang Dental Clinic kailangan mong kumpletuhin ang form ng pahintulot at ibalik ito sa Huwebes, Pebrero 3.
Sa halimbawa sa itaas ang target na wika ay nagbibigay ng dalawang pagsasalin ng salitang "by". Marahil ay nais lamang ng tagasalin na maging tumpak sa pagbigay kahulugan kaya't isinulat niya ang "sa o bago dumating ang". Naiintindihan ko kung bakit nangyayari ito. Nakakatukso nga naman itong gawin kung minsan. Bilang mga tagasalin, hangad lamang natin na maintindihan nang tama ng mga mambabasa ang mensahe. Ngunit huwag natin kalimutan na responsibilidad din natin na maging tapat sa wikang pinagmulan na naglalaman ng orihinal na mensahe. Kapag nagbibigay tayo ng higit sa isang pagsasalin, maaari itong maging dahilan ng pagkalito ng mambabasa. Kung kaya, hangga't maaari, magbigay tayo ng isang direktang pasasalin lamang at yung pinaka-akma sa orihinal na mensahe.
Halimbawa 3
EN pinagmulan: Save the date and bring the serial number of your device.
TL target: Huwag kalimutan ang petsa at dalhin ang numero ng siryal ng inyong aparato.
TL target na binago: I-save ang petsa at dalhin ang serial number ng inyong aparato.
May ilang mga salitang ingles na malawakang ginagamit at tinatanggap ng mga Pilipino, at ang mga ito ay hindi na kailangang isalin. Ang pagtatangkang isalin ang mga ito ay magdudulot lamang ng pagiging awkward basahin ng materyal, o kung hindi man, baka hindi maintindihan nang tama ng mga mamababasa ang mensahe. Sa halimbawang ito sa itaas, mas mabuti nang panatilihin ang mga salitang "i-save" at "serial number." Mas madaling maunawaan ang mga ito kaysa sa mga pagsasalin ng mga ito.
Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga kahulugan ng labis na pagsasalin, ang pag-iwas sa pagkakamaling ito ay magiging mas madali para sa atin. Dapat nating tandaan na kailangan tayong maghatid ng tamang mensahe na siyang tunay na ipinapahiwatig sa pinagmulang wika, nang direkta at tiyak, gamit ang tamang mga salita sa tamang haba ng mga pangungusap – hindi masyadong mahaba o masyadong maiksi. Kapag nahaharap tayo sa mga salitang maaaring magkaroon ng higit sa isang pagsasalin sa tagalog, kailangan nating piliin ang (mga) salitang may pinakamalapit na kahulugan at konteksto sa orihinal na mensahe. Bilang panghuli, ngunit napakaimportante din, palagi nating isaisip ang tono ng materyal na sinasalin natin, pormal man o kaswal, dahil malaking tulong ito sa pagpili natin sa ating mga salita at pangungusap, at para magawa natin ang ating trabaho nang mabuti at episyente.
Maraming salamat sa inyong ginugol na oras sa artikulong ito. Kung mayroon man kayong anumang input sa usaping ito, ikatutuwa kong makatanggap ng mga komento o mensahe mula sa inyo, nang sa gayon ay mas madagdagan pa ang aking kaalaman tungkol sa labis na pagsasalin o over translation. Hanggang sa muli! Ingat kayo palagi! :-)
0 comments