Hello po sa inyong lahat! Ako si Luna, ang inyong EN>TL Language Specialist. Narito na naman ako para sa isang bagong artikulo dito sa ating forum. Sana ay nagkaroon kayo ng panahong basahin ang ating naunang mga artikulo.
Ang ibabahagi ko naman ngayon ay tungkol sa paggamit ng maling mga kahulugan ng salita. Nangyayari ito paminsan-minsan, kung saan ang pagsasalin ay gumagamit ng isang salita na hindi akma sa kasalukuyang konteksto. Lagi nating tandaan na nag-iiba ang kahulugan ng isang salita sa iba't ibang pangungusap at mahalaga na gamitin natin ang tamang kahulugan sa ating pagsasalin, kahit pa man ang kahulugan na ito ay hindi ang kadalasang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay. Kapag hindi natin ito ginawa, hindi lamang tayo nagbibigay ng mga awkward na pangungusap kundi kinokompromiso din natin ang paghahatid ng wastong mensahe.
Narito ang ilang mga salita na kadalasang mali ang pagkasalin ayon sa aktwal na kahulugan ng salita.
Salita sa Ingles: Take
Kadalasan ang salitang ito ay isinasalin bilang kunin. Gayunpaman, kung minsan ang ibig sabihin nito ay inumin, gawin o dalhin. Hindi man ito ang literal na mga kahulugan ng salitang take, minsan ang mga ito ang akmang gamitin sa sitwasyon. Ang mga sumusunod na halimbawa ay makakatulong sa pagpapaliwanag ng puntong ito.
There is a survey you have to take at the end of this class.
Mayroong isang survey na kailangan mong gawin sa pagtatapos ng klase na ito.
Don’t forget to take the tablet at the same time each day.
Huwag kalimutang inumin ang tableta sa parehong oras bawat araw.
Take a copy of the brochure and give it to your friends.
Kumuha ng kopya ng pulyeto at ibigay ito sa iyong mga kaibigan.
Please take the urine sample to the clinic on your next visit.
Mangyaring dalhin ang sampol ng ihi sa klinika sa iyong susunod na pagbisita.
Salitang Ingles: No
Ang salitang ito ay karaniwang isinalin na Hindi, ngunit may mga pagkakataon na ang ating pagsasalin ay dapat na Wala sa halip na Hindi, depende sa tanong na kailangang sagutin. Tingnan sa ibaba ang ilang mga halimbawa para maging mas malinaw ito.
No parking here!
Walang paparada dito!
Hindi pwedeng pumarada dito!
Sa halimbawa sa itaas, bagama’t ang gramatika sa unang pagsasalin na “Walang paparada dito!” ay tama, hindi ito ang kadalasang paraan ng pagkasulat sa aktwal na senaryo. Ang pangalawang pagsasalin na “Hindi pwedeng pumarada dito!” ang mas angkop gamitin at ito rin ang aktwal na kadalasang ginagamit ng mga tao. Mas makaka-relate ang mga tao dito.
Narito pa ang karagdagang mga halimbawa para sa mas magandang paglalarawan ng tamang pagsasalin ng salitang No.
Do you want to join the study? Yes/No
Gusto mo bang lumahok sa pag-aaral? Oo/ Hindi
Do you have any experience on this matter? Yes/No
Mayroon ka bang karansan sa bagay na ito? Oo/Wala
Salitang Ingles: Subject
Ang agarang pagsasalin ng salitang subject ay paksa. Subalit, sa mga medikal na dokumento tulad ng mga klinikal na pag-aaral o mga pananaliksik tungkol sa gamot o terapiya, isinasalin ang salitang ito bilang kalahoko pasyente. Narito ang ilang halimbawa sa magkaibang paggamit ng salitang subject.
Please refer to the previous email on this subject.
Mangyaring sumangguni sa nakaraang email sa paksang ito.
The second phase of the study is only for female partners of the subjects.
Ang pangalawang yugto ng pag-aaral ay para lamang sa mga babaeng kapareha ng mga kalahok.
Huwag tayong matakot na gumamit ng tamang salita kahit na ang ito ay hindi direktang pagsasalin, o mga kahulugan na hindi madalas gamitin. Ito rin ay upang paalalahanan tayo na huwag mahulog sa bitag ng literal na pagsasalin. Sumulat ako ng isang buong artikulo tungkol dito sa mga nakaraang isyu. Kung hindi nyo pa ito nabasa, mag-klik dito.
Tandaan, ang pagbibigay ng tamang kahulugan ay ang ating mas mahalagang prayoridad sa pagsasalin, kasama ng pagiging madaling basahin ng ating mga isinulat.
Umaasa ako na ang artikulong ito ay makatutulong sa inyo sa inyong trabaho. Kung mayroon kayong anumang komento, o kung gusto ninyong magbigay ng karagdagang impormasyon sa paksang ito, huwag mag-atubiling magbahagi nito. Nandito tayong lahat sa forum na ito para matuto at maging mas mahusay sa ginagawa natin, at sama-sama nating gawin ito.
Maraming salamat! Hanggang sa susunod! :-)
0 comments