Kumusta kayong lahat! Andito na naman ulit ako, si Luna, ang inyong EN> TL Language Specialist. Sana ay naging maganda ang simula ng inyong bagong taon. Hindi naging madali para sa ating lahat ang nakaraang taon, lalo na sa pandemic na ito na patuloy na humahamon sa ating buhay. Pero sige lang, kapit lang. Kaya natin to! :-)
Mapunta tayo sa isang mas magaan na paksa. Gusto kong i-welcome kayong lahat sa ating pangatlong artikulo dito sa forum. Nabasa nyo ba ang una at pangalawa nating artikulo? Isang kasiyahan para sa akin ang magsulat para sa inyo at magbahagi ng mga impormasyon na nakatulong sa akin sa aking trabaho bilang isang tagasalin. Sanay makatulong din ito sa inyo.
Nais kong pag-usapan ang kamalian na madalas kong nakikita sa mga proyekto. Kaugnay ito sa mga salitang "ng" at "nang". Pareho ang pagbigkas, ngunit malaki ang kaibahan sa isa't isa. Sa trabaho natin napakaimportante na tamang salita ang ginagamit natin sa tamang pagkakataon. Kapag naisulat ang mga ito nang hindi tama, ang kahulugan ng pangungusap ay lubhang nagbabago at nakokompromiso ang kalidad ng ating trabaho.
Kaya ano ba talaga ang pagkakaiba ng dalawa, at kailan natin ginagamit ang mga ito? Narito ang simpleng paliwanag at mga magagamit na halimbawa.
Kailan gagamitin ang "ng"
Ang salitang "ng" ay nangangahulugan ng pagmamay-ari. Kadalasan, ito ay ang pagsasalin ng salitang "of" sa Ingles. Ito rin ay gumaganap bilang isang pang-ugnay sa pagitan ng pandiwa at ng paksa. Ang “ng” ay palaging nauuna sa isang pangngalan.
Narito ang ilang halimbawa:
- Ito na ang huling pahina ng pagsisiyasat.
- Nakakarelaks ang tunog ng ulan.
- Ang bagong patakaran ay ipinatupad sa lahat ng departamento.
Para sa madaliang paggunita, tandaan na ang "ng" ay sumasagot sa mga tanong na Sino at Ano.
Kailan gagamitin ang "nang"
Ang salitang “nang” ay ginagamit bilang pang-abay at nauuna sa isang pang-uri. Ginagamit din ito sa pag-uugnay ng dalawang sugnay, at kung minsan ito ay nagsisilbing shortcut ng mga kumbinasyon ng mga salitang “na at ng”, “na at ang”, “na at na”.
Narito ang ilang halimbawa:
- Mas maraming empleyado ang pumapasok nang maaga tuwing Martes.
- Hindi ka pwedeng umalis sa pag-aaral nang walang pahintulot ng iyong doktor.
- Hayaan nyo nang ipahayag ko ang tunay kong nararamdaman. (Hayaan nyo na na ipahayag ko ang tunay kong nararamdaman.)
Para madaling maalala, tandaan na ang "nang" ay sumasagot sa mga tanong na Paano, Kailan at Bakit.
Ngayon, subukan nating pagsamahin ang dalawa para makita ang kaibahan at katuturan ng bawat isa:
- Hindi makukumpleto ng mga kalahok ang pagsusuri nang walang tulong mula sa mga tauhan ng pag-aaral.
- Ang mga miyembro ng pangkat ay nakatuon nang mabuti sa mga gawaing nakatalaga sa kanila.
- Mayroon ako ng mga materyales at kaya kong gawin nang tama ang aking trabaho.
Muli, ang listahang ito ay hindi kumpleto at makakahanap kayo ng iba pang mapagkukunan online na maaaring magbigay ng higit pang mga detalye sa paksang ito. Gayunpaman, umaasa akong nakapagbibigay ako dito ng mabilis na sanggunian sa pagtukoy kung kailan gagamitin ang "nang" at "ng". Napakahalaga nito sa paghahatid ng kalidad na output sa ating mga kliyente at para matiyak na hindi nakokompromiso ang kahulugan ng mga pangungusap na ating sinasalin.
Salamat sa inyong oras at atensyon. Huwag mag-atubiling mag-iwan ng mensahe o komento tungkol sa artikulong ito. Masisiyahan akong makarinig mula sa inyo. Hanggang dito na lang muna. Binabati ko kayo ng magandang araw, at maligayang pagsasalin! Hanggang sa muli!
0 comments