Hello sa lahat! Ako si Luna, ang inyong EN>TL Language Specialist dito sa Gengo. Ikinagagalak kong sumulat muli para sa pangalawang artikulo dito sa forum na ito. Umaasa ako na ang unang artikulo ay isang kapaki-pakinabang na piraso para sa inyo at kahit papaano ay napukaw ang inyong interes na sumilip dito paminsan-minsan.
Sa pagkakataong ito, gusto kong pag-usapan ang isa pang kamalian na karaniwang nangyayari sa ating pagsasalin. Madalas itong mangyari na tila nagiging natural na ito at marami siguro ang nag-aakala na hindi ito mali. Siguro at pansin nyo rin ito, hindi lang nakasulat ngunit pati na rin sa mga pag-uusap. Sa totoo lang, nahulog din ako sa bitag minsan, at nagustuhan kong tinawag ang aking atensyon at pinaalalahanan ako tungkol sa bagay na ito.
Ang tinutukoy ko ay kung paano isulat ang anyong maramihan (plural form) sa Tagalog. Alam nating lahat na upang gawing maramihan ang mga bagay ay idinaragdag natin ang “mga” bago ang pangngalan (noun). Ito ang karaniwan nating ginagawa. Gayunpaman, nais kong pasariwain ang inyong memorya na mayroon ding isa pang paraan sa paggawa ng anyong maramihan, na kapaki-pakinabang kapag mayroong isang pang-uri (adjective) na naglalarawan sa isang pangngalan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-uulit ng pantig na kasunod ng “ma” ng pang-uri.
Narito ang ilang halimbawa:
- “malalaki” (big), “malalaking bahay” (big houses)
- “mabibilis” (fast), “mabibilis na sasakyan” (fast vehicles)
- “mapupula” (red), “mapupulang rosas” (red roses)
Ang nakikita ko sa ilang pagsasalin ay ang sabay-sabay na paggamit ng parehong paraan sa isang pangungusap. Nagdudulot ito ng redundancy at nagiging mali ang pagsasalin. Nais kong magbigay ng ilang halimbawa na nangyari sa tunay na mga proyekto kamakailan lang.
Halimbawa 1
Source text: Please keep in touch with our superb agents.
TL translation: Mangyaring makipag-ugnayan sa aming mahuhusay na mga ahente.
Correction: Mangyaring makipag-ugnayan sa aming mahuhusay na ahente.
Sa halimbawang ito, ang pang-uri na "mahuhusay" ay nasa anyong pangmaramihan na sa pagsasalin, kaya't ang salitang "mga" ay kailangang tanggalin. Maari ring gamitin ang pagsasalin na “Mangyaring makipag-ugnayan sa aming mga mahusay na ahente”, tama rin ang gamatika dito. Gayunpaman, ang naunang pagsasalin ay mayroong mas natural na daloy kaya mas inirerekomenda ito.
Halimbawa 2
Source text: In this meeting, we will be holding smaller and more intimate conversations with the members.
TL translation: Sa pagpupulong na ito, magsasagawa kami ng mas maliliit at mas malapitang mga pakikipag-usap sa mga miyembro.
Correction: Sa pagpupulong na ito, magsasagawa kami ng mas maliit at mas malapitang mga pakikipag-usap sa mga miyembro.
Sa halimbawang ito, nagpasya ang tagasalin na maglagay ng "mga" bago ang pangngalan upang gawin itong maramihan sa halip na baguhin ang "mas maliliit" at gawing "maliliit". Para sa akin, ganito rin ang gagawin ko para mayroong paralelismo sa pagitan ng “mas maliit” at “mas malapitan”. Tama rin ang sabihing “Sa pagpupulong na ito, magsasagawa kami ng maliliit at mas malapitang pakikipag-usap sa mga miyembro”, kung saan tinanggal ang salitang “mga” bago ang pangngalan na “pakikipag-usap”. Ang parehong mga pagpipilian ay pawang may natural na daloy rin, kaya ang kasong tulad nito ito ay talagang nakadepende na sa kagustuhan at estilo. Makatitiyak kayo na bilang isang Language Specialist, kapag may nakita akong ganito, hindi ko ito mamarkahan bilang isang pagkakamali ngunit mag-iiwan lamang ako ng isang mungkahi sa tagasalin. Walang puntos na ibabawas kung hindi nyo susundin ang mungkahi.
Bilang buod, nais kong sabihin na kung mayroon nang isang tagapagpahiwatig ng anyong maramihan sa pangungusap, sapat na iyon. Maaari ninyong gamitin ang "mga" bago ang pangngalan o ulitin ang pantig pagkatapos ng "ma" sa pang-uri. Gumamit lamang ng isa sa mga opsyong ito, huwag ipagsabay ang dalawa.
Sana ay nakapagbigay ako ng bagong kaalaman o isang refresher sa inyo na makakatulong kahit papaano sa paggawa ng inyong trabaho. Kung mayroon kayong mga katanungan, paglilinaw, reaksyon o kung nais ninyong magbahagi ng anumang bagay na may kaugnayan sa artikulong ito, huwag mag-atubiling magkomento. Magagalak akong makarinig mula sa inyo. Para sa akin, mas maganda ang karunungang nakukuha mula sa iba at kasama ang iba.
Hanggang sa muli!
2 comments
Hi Ms. Luna! Salamat po sa inyong mga paalala. Kabilang po ako sa mga gumagamit ng redundant na paraan na inyo pong binanggit, at mula po ngayon ay sisikapin ko po na sundin ang inyong mga mungkahi.
Hi Grace! Maraming salamat sa iyong mensahe. Masaya ako at kahit papaano ay may naitulong ang artikulo sa'yo. :-)