Kumusta kayong lahat! Maligayang pagdating sa artikulo sa buwang ito kung saan tatalakayin natin ang mga kamalian sa mga pagsasalin sa nakaraang buwan at mag-aalok ako ng ilang mungkahi para makatulong sa pag-iwas sa mga kamaliang ito sa inyong mga susunod na proyekto. Ngunit bago tayo magpatuloy, nagkaroon ba kayo ng pagkakataong basahin ang ating huling artikulo? Kung hindi man, mangyaring mag-click dito upang basahin ito.
Makikita ninyo sa ibaba ang mga kamalian sa buwan ng Enero at mga angkop na halimbawa para sa malinaw na paglalarawan ng mga kamaliang ito. Mayroon ding maikling paliwanag para sa bawat halimbawa at ilang mga mungkahi para sa pagwawasto ng mga ito.
Maling panghalip (isahan vs maramihan)
EN: Good morning, dear families! Please let me know if you have questions about the upcoming event in school.
TL: Magandang umaga, mahal na mga pamilya! Mangyaring ipaalam sa akin kung mayroon kang mga katanungan sa paparating na kaganapan sa paaralan.
TL binago: Magandang umaga, mahal na mga pamilya! Mangyaring ipaalam sa akin kung mayroon kayong mga katanungan sa paparating na kaganapan sa paaralan.
Sa halimbawa sa itaas, ang anunsyo ay nakatuon sa isang maramihang paksa, ang “mga pamilya”, kaya ang panghalip na gagamitin ay dapat akma din dito. Ang orihinal na pagsasalin ay gumamit ng “ka” na isang isahan na panghalip, imbis na “kayo” na pangmaramihan.
Unang tao at pangalawang tao na pananaw
EN: Hi Algebra 1 students! On this Thursday (January 19th, 2023), we are going to do a 45-minute, district monitored test to check our understanding and skills on the essential math contents.
TL: Kumusta, mga mag-aaral ng Algebra 1! Ngayong Huwebes (Enero 19, 2023), magsasagawa kami ng 45 minutong pagsubok na sinusubaybayan ng distrito upang suriin ang aming pag-unawa at mga kasanayan sa nilalaman ng matematika.
TL binago: Kumusta, mga mag-aaral ng Algebra 1! Ngayong Huwebes (Enero 19, 2023), magsagawa tayo ng 45 minutong pagsubok na sinusubaybayan ng distrito upang suriin ang ating pag-unawa at mga kasanayan sa nilalaman ng matematika.
Sa halimbawa sa itaas, ang anunsyo ay para sa mga mag-aaral ng paaralan, at malinaw na sila rin ang kukuha ng pagsusulit, kaya't ang panghalip ay dapat gumamit ng unang tao na pananaw. Bilang mga tagasalin, kailangan nating tukuyin nang maayos ang tamang pananaw at aktwal na kahulugan, lalo na kung hindi ito masyadong halata sa unang pagbasa ng pinagmulang wika.
Maling tense ng pandiwa
EN: Of course, we understand if plans change. Hope to see you there!
TL: Siyempre, naiintindihan namin kung magbago ang mga plano! Sana ay makita ka namin doon!
TL binago: Siyempre, maiintindihan namin kung magbago ang mga plano! Sana ay makita ka namin doon!
Sa halimbawa sa itaas, kahit na ang pinagmulang salita na "understand" ay nakasulat sa pangkasalukuyang panahunan, malalaman sa konteksto na ito ay sinadya bilang isang aksyon sa hinaharap, na suportado din ng pangalawang pandiwa na "magbago" na nakasulat sa panghinaharap na panahunan.
Literal na pagsasalin
EN: The attached flyer will be coming home with your child tomorrow .
TL: Ang kalakip na flyer ay uuwi kasama ang iyong anak bukas.
TL binago: Ang kalakip na flyer ay ipapadala sa iyong anak bukas.
Sa halimbawa sa itaas, ang orihinal na pagsasalin ay masyadong literal na nagiging hindi makatotohanan at nakakatawa sa mambabasa. Upang iwasto ito, ang pariralang "uuwi ang flyer kasama ang iyong anak" ay dapat na isalin ayon sa mensaheng nilalayon ng pinagmulan at hindi sa literal na paraan.
Paggamit ng "s" sa pangmaramihan na anyo
EN: All students in both string ensembles and both bands are required to perform.
TL: Ang lahat ng mga mag-aaral sa parehong string ensembles at parehong banda ay kinakailangang magtanghal din.
TL binago: Ang lahat ng mga mag-aaral sa parehong mga string ensemble at parehong mga banda ay kinakailangang magtanghal din.
Sa halimbawa sa itaas, makikita natin na ang pariralang "string ensembles" ay iniwan sa Ingles. Gayunpaman, kahit na mayroong mga salitang hindi isasalin, ang mga pangmaramihang anyo sa Tagalog ay dapat parin na gumamit ng "mga" at hindi "s". Samakatuwid, ang "string ensembles" ay nagiging "mga string ensemble".
Maling pagsasalin
EN: Students in Experience Music are encouraged to perform as well.
TL: Ang mga mag-aaral sa Experience Music ay hinihikayat na gumanap din.
TL binago: Ang mga mag-aaral sa Experience Music ay hinihikayat na magtanghal din.
Bilang pangwakas, sa halimbawa sa itaas, ang salitang "perform" ay naisalin nang hindi tama sa orihinal na pagsasalin. Ang pagsasaling "gumanap" ay mas angkop para sa mga pagtatanghal tulad ng pag-arte. Sa kontekstong ito, ang mas angkop na pagsasalin ay "magtanghal". Pakitandaan na dahil maraming mga salitang Ingles ang may higit sa isang kahulugan sa Tagalog, kailangan nating tiyakin na ginagamit natin ang tama at pinakaangkop na salita sa konteksto ng pinagmulang mensahe.
Hanggang dito nalang muna. Umaasa ako na inyong napulutan ng aral ang artikulong ito. Kung mayroon kayong anumang mga komento o mungkahi, huwag mag-atubiling mag-iwan ng mensahe. Ikagagalak kong makarinig mula sa inyo.
Salamat sa inyong oras at magkita-kita tayong muli sa susunod na artikulo. Maligayang pagsasalin!
0 comments