8

Kumusta sa lahat? Ako si Luna, ang inyong EN>TL Specialist. Welcome sa isang bagong artikulo. Sana’y nabasa ninyo ang huli kong sinulat, kung hindi  man, hindi pa huli ang lahat, pwede ninynong mabasa ang artikulo sa link na ito.

 

Ang paksa natin ngayon ay isang bagay na hiniling ng isa sa ating kasamahang tagasalin dito sa forum. Hindi ako eksperto sa usaping ito, ngunit ibinabahagi ko sa inyo dito ang mga bagay na natutunan ko sa aking karanasan at pananaliksik. Sana ay masiyahan kayo sa pagbabasa at makatulong din ito sa inyong pagsasalin.

 

Ang loanword o loan word ay salitang hango sa ibang wika. Ang isang loanword ay maaari ding tawaging isang borrowing o paghiram. Narito ang ilan sa mga dahilan at paliwanag kung bakit tayo nanghihiram ng mga salita sa ibang wika.

  • Ang mga paghiram ay nakakatulong sa pagpapayaman, pagpapalawak, at pagpapaunlad ng wika.
  • May mga pagkakataon na ang ibang mga wika ay maaaring mas mahusay na maghatid ng isang konsepto.
  • Kinakailangan ang paghiram upang magpakilala ng bagong ideya, produkto, o aktibidad kung saan wala pang salitang Tagalog ang umiiral.

Sa paglipas ng panahon, ang wikang Tagalog ay nagdagdag ng maraming mga paghiram sa bokabularyo nito dulot ng mga kolonisasyon sa ating kasaysayan at ang pagdating ng internet na nagbibigay-daan sa kamalayan sa ibang mga kultura.

Mga paghiram mula sa wikang Espanyol

Ang mahabang pakikipag-ugnayan nating mga Pilipino sa mga Espanyol na umabot nang 333 taon ay nagbigay sa atin ng maraming mga loanword. Ang ilan sa mga salitang ito ay malaking bahagi ng ating normal na buhay na hindi natin aakalaing mga hiram na salita pala ang mga ito.

 

Mga halimbawa:

Loanword sa Tagalog

Espanyol na pinagmulan at kahulugan

Barkada

Barcada (karga ng bangka; paglalakbay sa bangka)

Delikado

Delicado (pagiging maselan)

Disgrasya

Desgracia (kasawian)

Libre

Libre (walang bayad)

Palengke

Palenque (bakod)

Siyempre

Siempre (palagi)

Suporta

Soportar (makatiis, makaya)

Mga paghiram mula sa wikang Ingles

Ang wikang Ingles ay ginagamit sa pang-araw-araw na pag-uusap nating mga Pilipino. Ang code-switching sa pagitan ng Tagalog at English ay tinatawag na Taglish. May naisulat ako tungkol dito sa nakaraang isyu dito sa forum, mag-klik dito para mabasa ang artikulo.

 

Ang mga salitang Ingles na hiniram ng Tagalog ay halos moderno at teknikal na mga termino, ngunit ang ilang mga salitang Ingles ay ginagamit din para sa maikling paggamit (maraming mga salitang Tagalog na isinalin mula sa Ingles ay napakahaba) o upang maiwasan ang literal na pagsasalin at pag-uulit ng parehong partikular na salitang Tagalog. Ang Ingles ang pangalawang pinakamalaking dayuhang bokabularyo ng Tagalog pagkatapos ng Espanyol. Ang pinagkaiba ng mga paghiram sa Espanyo at Ingles ay ang hindi pagbabago ng kahulugan ng mga salitang hango sa Ingles habang ang mga salitang nagmula sa Espanyol ay may pagkakapareho man ang pagbigkas subalit ang kahulugan ay maaaring ganap na naiiba.    Sa nakasulat na wika, ang mga salitang Ingles sa isang pangungusap na Tagalog ay karaniwang isinusulat sa orihinal na anyo nito. Gayunpaman, kung minsan ang mga ito ay isinusulat sa Tagalog phonetic na pagbabaybay.

 

Mga halimbawa:

Loanword sa Tagalog

Ingles na pinagmulan

Basketbol

Basketball

Internet

Internet

Isponsor

Sponsor

Nars

Nurse

Pulis

Police

Plastik

Plastic

Tisyu

Tissue

Mga paghiram mula sa wikang Tsino

Karamihan sa mga paghiram ng Tagalog mula sa wikang Tsino ay nagmula sa Hokkien, ang wika ng Timog Tsina na pinakamalawak na sinasalita sa Pilipinas. Ang mga kaakit-akit na pagkakataon sa ekonomiya ay nagpalakas ng imigrasyon ng mga Tsino sa Pilipinas at dinala ng mga dayuhang intsik ang kanilang mga kasanayan, tradisyon sa pagluluto at wika na nakaimpluwensiya ng mga katutubong wika ng Pilipinas sa anyo ng mga loanword. Karamihan sa mga paghiram mula sa Tsina ay nauugnay sa pagluluto, ngunit may mga salita ding ginagamit natin sa pang-araw-araw na hindi tungkol sa pagkain.

 

Narito ang ilang halimbawa:

Loanword sa Tagalog

Intsik na pinagmulan at kahulugan

Ate

阿姊/á-chí (tumutukoy sa nakakatandang kapatid na babae)

Tiyak

的確/tiak-khak (Sa katunayan; talaga))

Susi

鎖匙/só–sî (Susi)

Maselan

ma- + 西儂/se-lâng (tumutukoy sa Kanluran na bahagi ng mundo, ibig sabihin, Europa, Hilagang Amerika, Oceania)

Kuya

哥仔/ko͘-iá (tumutukoy sa nakakatandang kapatid na lalaki)

Hikaw

耳鉤/hǐ-kau (hikaw)

Hukbo

服務/hôk-bū (serbisyo; hukbo)

Mga paghiram mula sa wikang Hapon

Kakaunti lang ang mga salitang Tagalog na nagmula sa wikang Hapon. Karamihan sa mga ito ay ipinakilala sa ikadalawampu siglo lamang.

Loanword sa Tagalog

Hapon na pinagmulan at kahulugan

Dyak en poy  o “jak en poy”

 

じゃん拳ぽん Jankenpon (larong bato-papel-gunting)

 

Katol

蚊取り線香 Katorisenkō (pamatay ng lamok; insenso laban sa lamok)

Karaoke

カラオケ Karaoke

Karate

空手 Karate

Bonsay

盆栽 Bonsai

Tansan

炭酸 Tansan (carbonated na tubig)

Tsunami

津波 Tsunami

Mga paghiram mula sa wikang Cebuano

May Tagalog din na mga loanword na nagmula sa Cebuano, karamihan ay dahil sa paglipat ng mga Cebuano at Bisayan sa mga rehiyong nagsasalita ng Tagalog. Ang ilan sa mga terminong ito ay tumutukoy sa mga konseptong hindi dating umiiral sa Tagalog o nauugnay sa kulturang Cebuano o Bisayan; ang ilan ay may mga dati nang katumbas at ipinakilala sa Tagalog ng mga katutubong nagsasalita ng Cebuano.

 

Mga halimbawa:

Loanword sa Tagalog

Cebuano na pinagmulan at kahulugan

Bayot

Bayot (bakla; bading)

Inday (ang tawag sa babaeng kasambahay)

Inday (batang babae)

Katarungan

Katarongan

Kawatan

Kawatan

Kaway

Kaway

Lungsod

Lungsod

Tulisan

Tulisan

Ang gamit ng mga loanword sa pagsasalin

Makikita sa mga halibawa ng mga loanword sa itaas na hindi ang lahat ng mga  ito halatang hiram. Marami na pala tayong ginagamit na mga salita na akala natin ay orihinal na atin pero hango para sa ibang wika. Malawakang tinatanggap ang paggamit ng mga paghiram sa pagsasalin, lalo na ang mga malinaw na kinikilala. Gayunpaman, para sa mga loanword na mayroong alternatibong salitang tagalog na madali ring maunawaan, mas mabuting gamitin ang salitang iyon sa halip na ang loanword. Halimbawa, sa pagitan ng “kawatan” at “magnanakaw” mas mainam gamitin ang “magnanakaw”. Sa pagitan ng “delikado” at “nanganganib”, mas mainam na gamitin ang “nanganganib”. Sa mga halimbawang ito, makikitang kadalasan ay mas angkop ang mga salitang ito sa daloy ng mga karaniwang Tagalog na pangungusap.

 

Subalit, isang magandang kasanayan ang pagsusuri ng boses at tono na gusto ng kliyente. Para sa mga materyal na nilalayon ang hindi pormal na tono o di kaya ay para sa mga nakababatang madla, minsan ay mas mainam gamitin ang loanword para dito. Halimbawa, kung ang sinasalin ay isang patalastas para sa mga kabataan, sa pagitan ng “Isponsor” at “Tagapagtaguyod” mas mainam gamitin ang “Isponsor”.

 

Sana ay may natutunan kayo sa artikulong ito. Maraming salamat sa inyong oras sa pagbasa, at huwag mag-atubiling mag-iwan ng komento o suhestiyon kung may gusto kayong ibahagi.

 

Maraming salamat at hanggang sa muli!

 

Sources:

https://www.esquiremag.ph/culture/philippine-embassy-celebrates-filipino-loan-words-in-the-oxford-english-dictionary-a00293-20190617-lfrm2

https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_loanwords_in_Tagalog

 

0 comments

Please sign in to leave a comment.